MANILA, Philippines - Handa na ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa pagpasok ng panahon ng tag-ulan.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, gumagana na ang 51 pumping stations sa Metro Manila bagama’t anim dito ay may katandaan na at sa buwan pa ng Setyembre ito mapapalitan. Patuloy din ang declogging operations sa mga drainage.
May mga portable water pumps na rin sila sakaling magkaroon ng pagbaha tulad ng naganap noong Lunes kung saan 19 na lugar sa Kamaynilaan ang nakaranas ng baha. Ipinahayag pa ni Tolentino, na bumaha noong Lunes dahil may ilan pang drainage ang kinukumpuni ng DPWH.