MANILA, Philippines — Ayaw madamay ni Metro Rail Transit 3 (MRT-3) general manager Al Vitangcol III ang buong MRT-3 at ang administrasyong Aquino sa bagong isyung kinakaharap kaya naman minabuti niyang magbitiw sa puwesto.
Sinabi ni Vitangcol ngayong Martes na pinatawan siya ng preventive suspension ng Department of Transportation and Communication (DOTC) habang iniimbestigahan siya kasunod ng pasabog ni Philippine STAR columnist Jarius Bondoc.
Aniya minabuti na lamang niyang magbitiw sa puwesto.
"This new issue is an entirely different matter. So, I took this opportunity to spare DOTC and of course the present administration," wika ni Vitangcol sa isang panayam sa telebisyon.
Sinabi ni Bondoc kahapon na iginawad ni Vitangcol ang P517.5-milyon kontrata ng MRT sa PH Trams noong 2012 para sa 10-buwang maintenance ng mga tren.
Dagdag niya na isa ang tiyuhin ng kanyang asawa na si Arturo V. Soriano sa anim na incorporators-directors ng PH Trams.
Tumakbo ang proyekto noong Oktubre 2012 hanggang Abril 2013 kung saan binayaran ang PH Trams ng $1.15 milyon o P51.75 milyon kada buwan.
Sinabi pa ni Bondoc na dalawang beses pang na-extend ang kontrata noong Hunyo 2013 hanggang Agosto 2013.
Depensa ni Vitangcol na dumaan sa tamang proseso ang pagpili sa PH Trams at sinabing wala na si Soriano sa kompanya nang igawad nila ang kontrata.
Hindi ito ang unang pagkakataon na naharap sa isyu si Vitangcol.
Inakusahan din ang nagbitiw na MRT chief na nangikil ng $30 milyon sa Czech company na Inekon noong Hulyo 2012.
"It demoralizes the people within MRT-3 so I felt it would be best for everybody for me to step out," sagot ni Vitangcol.
Naniniwala siyang malilinis din ang kanyang pangalan at handa siyang magpa-lifestyle check para matupad ito.
"I'm disappointed with the way the government works. But then again, time will tell. Time will heal everything.â€