MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ng pamunuan ng Ospital ng Makati (OSMAK), na maaari ng makalabas sa Huwebes, Mayo 29, mula sa naturang pagamutan ang tinaguriang reyna ng pork barrel scam na si Janet Lim Napoles.
Sa rekomendasyon ni Dr. Florentina Villanueva, isa sa mga doctor ng OSMAK at kasama sa sumubaybay sa nakaraang operasyon, sinabi nito na maaari ng lumabas ng pagamutan si Napoles.
Ang naging rekomendasyon ni Villanueva ay hinggil sa pagpapatuloy nang pagdinig sa motion ni Napoles na mapalawig pa ang pananatili nito sa OSMAK sa Makati City Regional Trial Court (RTC) sa sala ni Judge Elmo Alameda, Branch 150.
Bukod kay Villanueva, ipinatawag din ng korte si Dr. Perry Ishmael Peralta, director ng OSMAK upang malaman naman kung may basehan ang naging rekomendasyon ni Dr. Efren Domingo, OB-Gynecologist at Oncologist ni Napoles na kailangan pa ng pito hanggang 10 non-bleeding days bago makalabas ang pasyente nito.
Matatandaan, na noong Mayo 21 nang ihirit ng kampo ni Napoles na mapalawig ang pananatili nito sa OSMAK dahil sa internal bleeding matapos itong operahan sa matris noong Abril 23.