PNoy mangunguna sa Navy anniversary

MANILA, Philippines - Pangungunahan ngayong umaga  ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagdiriwang ng ika-116th anniversary ng Philippine Navy na gaganapin sa Naval Station Carlito Cunanan, sa Puerto Princesa City, Palawan.

Sasaksihan ng Pangulong Aquino ang capability demonstration ng Naval Forces West, ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda.

Bibigyan naman ng mga awards ang natatanging miyembro ng Navy dahil na rin sa kanilang mga nagawa at katapangan sa pagtatanggol sa bayan.

Ang Cunanan naval station ay malapit sa Oyster bay na nakaharap sa West Philippine Sea at malapit lamang sa pinagtatalunang Spratly island na isa sa puwedeng gamitin ng US forces sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Ayon naman kay AFP chief of staff Gen. Emmanuel Bautista, ang Cunanan naval station ay kailangan ang rehabilitasyon at sa ilalim ng EDCA ay inaasahan nilang mapapaayos ito ng US.

Ang Oyster bay ay ang pinaka-magandang access sa pinagtatalunang mga isla sa West Philippine Sea na pilit inaangkin ng China.

Naglaan ang gobyerno ng P500 milyon para sa development ng Cunanan naval station  kabilang na ang P313 milyon para sa improvement ng pier nito.

 

Show comments