2 affidavit ni Napoles hawak na ng Senado, 20 senador pinangalanan

MANILA, Philippines - Ibinigay na kahapon ng Department of Justice kay Senator Teofisto Guingona, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee ang dala­wang magkahiwalay na affidavit ng itinuturong utak ng pork barrel fund scam na si Janet Lim-Napoles kung saan pinangalanan ang 20 kasalukuyan at mga dating senador na diumano’y nakinabang sa pork barrel fund scam.

Kabilang sa listahan ng mga senador na sinasabing nakinabang sa scam sina Senators Jose “Jinggoy” Estrada, Juan Ponce Enrile, at Ramon “Bong” Revilla Jr.

Bukod sa tatlo, nakalista rin sina Senators Gregorio Honasan, Lito Lapid, Loren Legarda, Aquilino “Koko” Pimentel III, Vicente “Tito” Sotto, Cynthia Villar, at Ferdinand Marcos Jr.  Nakalagay naman sa “campaign funds only” sina Senators Alan Peter Cayetano at Francis “Chiz” Escudero.

Kabilang sa mga da­ting senador na sinasabing nakinabang din sa kanilang pork barrel funds sina dating Senator Rodolfo Biazon na ngayon ay nagsisilbing kongresista, namayapang senador Robert Barbers, Dra. Loi Ejercito Estrada, Robert Jaworski, Ramon Magsaysay, Tessie Aquino Oreta, at Manny Villar.

May 100 kongresista naman ang kasama sa listahan kabilang sina Butch Abad na ngayon ay nagsisilbing Budget Secretary, Iggy Arroyo, Mikey Arroyo, Ruffy Biazon, Zenaida Ducut, Joel Villanueva, Gilbert Remulla, at Jesli Lapuz. Ang nasabing listahan ay unang isinumite sa DOJ na kaagad naman ipinadala sa Senado.

 

 

Show comments