Napoles mananatili sa OsMak

MANILA, Philippines - Mananatili muna sa Ospital ng Makati ang umano’y pork barrel scam queen na si Janet Lim-Napoles matapos suspindihin ng Makati court ang paglipat nito sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna dahil sa naranasang pagdurugo.

Sa pagdinig ng urgent motion to recall and consider the order, sinabi ng manggagamot ni Napoles na si Dr. Efren Domingo na inaalam pa nila ang posibleng dahilan ng bleeding ng pasyente.

Pero tinitingnan ng mga doktor na posibleng na-stress ito dahil sa tinatapos na affidavits at inaalam din nila kung dahil ito sa sexual intercourse na itinanggi umano ni Napoles.

Tinanong din ni Judge Elmo Alameda, ng Makati City Regional Trial Court Branch 150 kung totoo ang lumabas na balita na dinugo lamang ang pasyente ilang oras bago lumabas ang utos ng korte noong May 20, 2014 na ibabalik na ito sa Fort Sto. Domingo na dapat kahapon, araw ng Biyernes, ngunit pinabulaanan ito ng doktor at sinabing May 19 pa lang ay nagsimula na ang pagdurugo nito.

Dahil sa desisyon ng korte, mananatili muna sa Ospital ng Makati si Napoles hanggang sa maresolba ang mosyon at masigurong walang masamang mangyayari sa ginang kapag nailipat na ito.

Nasabihan na rin ng korte ang Philippine National Police (PNP) na hindi tuloy ang paglipat ni Napoles na dapat ay bago mag-alas-12:00 ng madaling araw kahapon.

Itutuloy sa Lunes ang pagdinig sa naturang mosyon kung saan ipapatawag naman ang mga doktor ng OsMak na sina Dr. Florentina Villanueva at Dr. Ishmael Peralta.

Show comments