MANILA, Philippines - Ipinapahanda ni Justice Secretary Leila de Lima sa National Bureau of Investigation (NBI) ang kopya ng hard drive ni Benhur Luy, pangunaÂhing whistleblower sa pork barrel scam.
Nagpalabas ng subpoena ang Senate Blue Ribbon Committee sa DOJ at NBI para sa pagsusumite ng kopya ng digital files ni Luy.
Nauna rito ay lumiham si Atty. Raji Mendoza, abugado ni Luy, sa Senado at ipinaalam na ang orihinal na hard drive ni Luy ay nasa kustodiya ng NBI Cybercrime Division kung saan sumailalim ito sa forensic examination para mapreserba ang integridad ng laman nitong digital record.
Ayon kay de Lima, kailangan nilang tumugon sa subpoena ng Senado.
Samantala, nananatili pa rin umanong bukas ang DOJ na kumonsulta sa Ombudsman para hingin ang pananaw nito kaugnay sa subpoena ng Senado.
Isa aniya ang hard drive ni Luy sa pinagbabatayan ng NBI at ng Field Investigation Office ng Tanggapan ng Ombudsman sa fact finding investigation nito hinggil sa PDAF Scam.
Samantala, tiyak nang hihirit si de Lima ng panibagong extension para sa pagsusumite ng extended affidavit ni Janet Lim Napoles matapos ipaalam sa kanya ng abugado nito na hindi nila kakayanin na maisumite ang salaysay ngayong araw na ito.
Hanggang Lunes umano ang hihinging palugit ng DOJ sa Senado para sa kumpletong affidavit ni Napoles na pinagbigyan naman ni Sen. TG Guingona.