MANILA, Philippines – Walang balak patulan ni Justice Secretary Leila de Lima ang mga paratang sa kanya ni jueteng payola whistleblower Sandra Cam.
Ayon sa ulat ng dzMM, sinabi ni De Lima na karapatan ni Cam na ihayag ang kanyang gustong sabihin ngunit karapatan din aniya ng publiko na malaman ang mga katotohanan sa pork barrel scam.
Sinabi kahapon ni Cam na tumanggap ang Department of Justice at National Bureau of Investigation ng P150 milyon kapalit ng pag-aatras ng kasong serious illegal detention na isinampa ng pamilya ni pork barrel scam whistleblower Benhur Luy laban kay Janet Lim-Napoles.
Kaugnay na balita: DOJ, NBI tumanggap ng P150M mula kay Napoles - Cam
Hindi naman nagpaapekto ang kalihim at sinabing ang mahalaga ay marami pa rin ang naniniwala sa kanyang ginagawa, kabilang dito si Pangulong Benigno Aquino III.
"You may have different impressions about me but for as long as karamihan naman siguro ng mga tao ay naniniwala pa rin (sa akin), and lalo na pinaka-importante sa akin 'yung naniniwala pa rin sa akin ang Pangulo and the rest of the general public."
Nanawagan din si Cam at ang iba pang whistleblower na magbitiw sa puwesto si De Lima.
Inakusahan naman ng isa pang whistleblower na si Melchor Magdamo na tila isa nang abogado ni Napoles si De Lima.
"De Lima is already lawyering for Napoles...the very least she [could do is to] inhibit herself from the case. De Lima must resign."