Sa pagdurugo ni Napoles: Kahit may duda, korte na ang bahala - Luy

Ipinaubaya na lamang ng kampo ni Benhur Luy ang decision sa korte kung papayagan si Janet Lim-Napoles na manatili pa sa Ospital ng Makati.

MANILA, Philippines – Matapos hilingin ng itinuturong mastermind sa pork barrel  scam na si Janet Lim-Napoles na manatili pa sa Ospital ng Makati (OsMak), ipinaubaya na lamang ng kampo ng whistleblower na si Benhur Luy ang desisyon sa korte.

Sinabi ng abogado ni Luy na si Raji Mendoza na bahala na ang korte kung papayagan nila si Napoles na manalagi pa sa OsMak o pababalikin na ito sa kulungan niya sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa City, Laguna.

“We don't want anything bad to happen to anyone,” wika ni Rivera sa isang panayam sa telebisyon. “Kung talaga pong nagdurugo siya, hinatayin na lang po natin ang desisyon ng korte.”

Kaugnay na balita: De Lima hihingi muli ng palugid sa Senado

Dagdag niya na kung papayagan ng korte si Napoles ay nais nilang magkaroon ng iba pang doktor na susuri sa kalagayan ni Napoles.

“We should verify.  Magpadala pa ng iba pang government doctors to assess her.”

Kahapon ay inihirit ng kampo ni Napoles sa korte na manalagi pa sa ospital upang tuluyang gumaling mula sa operasyon.

Kaugnay na balita: Napoles dinugo uli, humirit ng mas matagal na pananalagi sa Osmak

Sinabi ng abogado ni Napoles na si Bruce Rivera na makabubuti rin para sa kanyang kliyente ang manatili sa ospital upang matapos na rin ang karagdagang salaysay na ipapasa kay Justice Secretary Leila de Lima.

Pero sinabi ni Mendoza na maaari naman itong tapusin kahit saan, kahit sa loob ng kulungan ni Napoles sa Laguna.

Samantala, hindi pabor si Mendoza sa muling pagharap ni Napoles sa senado kahit sinabi ng negosyanteng handa na siyang ibulgar ang lahat ng nalalaman sa pork scam.

“Very doubtful na ang kanyang credibility kasi nag flipflop na siya (noong unang humarap sa senado),” ani Mendoza.

“Maaaring may katotohanan o may halong kasinungalingan (ang sasabihin) pero hindi na namin masabi talaga.”

Show comments