MANILA, Philippines - ‘Alibi’ o nagdadahilan na lamang si Janet Lim Napoles na napaÂbalitang dumaranas ng pagdurugo o bleeding para hindi maibalik sa Fort Sto. Domingo.
Ayon sa dating abogado ni Benhur Luy na si Atty. Levito Baligod, hindi dapat agad paniwalaan si Napoles dahil sa aniya ay tinataglay na reputasyon sa pagsisinungaling.
Binanggit ni Baligod na noon ay hiniling na rin ni Napoles na sa mamahalin at pribadong ospital (St. Luke’s Hospital sa Global City) siya maoperahan at ngayon naman ay dumaraing siya na hindi makapagbayad ng bill sa pampublikong ospital.
Aminado naman si Baligod na bagaman siya ay duda sa ‘iniinda’ ni Napoles, iginiit niya na bilang tao ay karapatan pa rin ng akusado na magpatingin sa doktor.
Ngunit kung mapatunayan aniyang nagkukunwari lang si Napoles, dapat agad ipatupad ang utos ng korte na ipiit siya sa Fort Sto. Domingo.
Hinamon naman ni Sen. Juan Edgardo Angara si Napoles na magpakita ng ebidensiya na totoong dinudugo ito.
Ayon kay Angara, baÂgaman at mahirap na gamiting dahilan ang pagdurugo, dapat magpakita ng pruweba na totoong nangyayari ito kay Napoles upang manatili sa ospital.
Ikinumpara pa ni Angara sa transaksiyon ng pork barrel funds o Priority Development Assistance Fund ang sitwasyon ni Napoles na dapat ay mayroong ebidensiya upang mapatunayan.