MANILA, Philippines – Habang patuloy ang agawan ng teritoryo sa pagitan ng Pilipinas at Tsina, dalawang kinatawan mula sa Mindanao ang nagmungkahing maglabas ng P1 bilyon ang gobyerno upang matayuan na ng mga impastraktura ang Kalayaan Group of Islands.
Nais nina Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez at nakababatang kapatid na si Abante Mindanao partylist Rep. Maximo Rodriguez Jr. na simulan na nag pagsasaayos at pagpapaganda ng mga isla.
Nakasaad sa House Bill 4167 ng magkapatid na layunin din ng kanilang panukala na mapalakas ang turismo sa nasabing lugar.
Ilalaan ang P1 bilyon sa pagpapagawa ng safe harbor, berthing facilities at pagsasaayos ng Rancudo airfield sa Pag-asa island.
"In order to strengthen our claim and protect our sovereignty, we need to build more structures and fortify our defense of these islands, particularly the construction of a safe harbor as well as the repair of the Rancudo airfield on Pag-asa Island. Aside from solidifying our claim, the construction of structures in the Kalayaan Islands would also improve the tourism industry there," wika ng nakatatandang Rodriguez.
Isang fifth class municipality ang Kalayaan Islands sa probinsiya ng Palawan na tirahan ng halos 400 Pilipino.
May isang barangay ang naturang lugar, ang Pag-asa, at 1.3-kilometrong airstrip na ginagamit ng militar at ng publiko.
Inaangkin ng bansang Vietnam, Palau, Malaysia at China ang Kalayaan Islands.