MANILA, Philippines - Nakahanda na sina Senate Minority Juan Ponce Enrile, Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Bong Revilla na makulong kahit saan pang bilangguan sila ilagay.
Ayon kay Enrile, hindi siya nababalaha sa napiÂpintong pag-aresto sa kanya o sa kakaharaping kasong plunder at naniniwala siyang maipapanalo niya ang kaso.
Inihayag pa ni Enrile na nakakatulog pa siya ng mahimbing sa loob ng siyam na oras at nakakapag-exercise pa sa umaga,
Hindi rin aniya nai-stress si Enrile dahil hindi naman siya guilty at wala siyang nagagawang kasalanan.
Ipinaalala pa ni Enrile na naranasan na rin niyang makulong kaya hindi na siya nababahala sa ulat na nakahanda na ang paglalagyan sa kanila.
Sinabi naman ni Revilla na bagaman at nakakapika ang paulit-ulit na ulat na ikukulong na sila, tanggap na niya ang nangyayaring political persecution.
Inihanda na rin umano ni Revilla ang kalooban ng kanyang pamilya at sinabihan niya ang mga ito na huwag iiyak kapag nangyari na ang pag-aresto sa kanya.
Inihayag din ng senador na may mga sasakyan na umiikot na sa kaniyang tahanan at mistulang binabantayan sila.
“Maski sa bahay ko may mga umiikot na. alas 6 na umaga pa lang may umiikot na mga kalalakihan. Dalawang kotse. Kitang-kita. Di naplakahan…This was yesterday. At may mga bumubuntot-buntot na sa amin,†ani Revilla.
Ipinauubaya naman ni Estrada sa Sandiganbayan ang pagde-desisyon sa kaso at ang pagpapalabas ng warrant of arrest.