PhilHealth member sisingilin na ng mga private hospital
MANILA, Philippines - Pinaplano umano ng mga pribadong ospital na singilin muna ang mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) dahil sa malaking pagkakautang na ng korporasyon.
Ayon kay Dr. Rustico Jimenez, pangulo ng Private Hospital Association of the Philippines (PHAP), simula pa noong Enero hindi naibibigay ng PhilHealth ang reimbursement sa pagkakaospital ng mga miyembro nito.
Aniya, inabisuhan na niya si Health Secretary Enrique Ona tungkol sa hindi nababayarang utang subalit idinahilan nito ang problema sa computer.
Taliwas aniya ito sa pangako ng PhilHealth na mababayaran sila sa loob ng 20 hanggang 30 araw samantalang inabot na ng mahigit limang buwan ang utang sa reimbursements.
Sinabi ni Jimenez, ilan sa mga ospital na pinagkakautangan ng PhilHealth ay ang San Juan de Dios Hospital sa Pasay at Calamba Doctor’s Hospital na umaabot sa tig-P15 milyon habang P13 milyon sa Western Visayas Medical Center at P7 milyon sa Gingoog Sanitary Hospital sa Misamis Oriental.
Naisumite na anya nila kay Ona at PhilHealth President Alex Padilla ang mga datos at nangako ang mga ito na gagawan ng paraaan ang problema.
Sa kabila ng problema sa utang, nilinaw ni Jimenez na tatanggapin pa rin ng mga ospital ang mga PhilHealth patient pero posible na silang singilin.
“Ang suggestion po ng ibang may-ari, sisingilin na ‘yung mga pasyente pagpasok ng PhilHealth patient at sila na po mag-file sa PhilHealth,†ani Jimenez.
- Latest