MANILA, Philippines - Ipinagtanggol ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. ang tatlong gabinete ni Pangulong Noynoy Aquino sa gitna ng panawagang magbitiw na ang mga ito dahil sa pagkakadawit ng kanilang pangalan sa listahan ni Janet Lim -Napoles.
Sinabi ni Belmonte, na wala pang mabigat na dahilan para magbakasyon sina Budget Secretary Florencio Butch Abad, TESDA director Joel Villanueva at Agriculture Secretary Proseso Alcala.
Paliwanag pa ng Speaker, ang pagkakadawit ng tatlo at base pa lamang sa salita ng mga nag-aakusa na walang kaakibat na pruweba.
Hindi umano makatwiran na pagbitiwin agad sina Abad, Alcala at Villanueva nang wala pa namang nagÂlalabasang patunay na naging tiwali sila sa paggamit ng pondo ng bayan at wala pa rin kasong naisasampa sa korte laban sa kanila.
Pinayuhan din ni Belmonte ang kanyang mga kasamahan sa kongreso na lumabas ang pangalan sa listahan na isinumite ni Justice Secretary Leila De Lima sa Senate Blue Ribbon Committee na maghanda ng magandang depensa sa pamamagitan ng pangangalap ng anumang ebidensiya na magpapatunay na hindi sila sangkot sa anomalya.
Idinagdag pa nito na nagkaroon na siya ng pagkakataon na makausap ang mga kongresista na kasama ang pangalan sa listahan at itinangging hindi sila sangkot sa pork barrel scam.