MANILA, Philippines — Ikinagulat ng kampo ng itinuturong utak sa likod ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles na napasama ang pangalan ng baguhang senador na si JV Ejercito sa listahan ng mga sangkot sa pork barrel scam.
Sinabi ng abogado ni Napoles na si Bruce Rivera na walang kinalaman si Ejercito sa pork scam at hindi dapat nakabilang ang pangalan niya sa ipinasang listahan sa Senado.
"Si Mrs. Napoles mismo, na-shock siya. 'Uy bakit nandito ang pangalan ni Senator JV? Tanggalin n'yo 'to," pahayag ni Rivera.
Nagkalituhan aniya ang naglagay ng pangalan sa listahan kina Ejercito at sa kapatid niyang si Senador Jinggoy Estrada.
"Kami po ay humihingi ng patawad kay Senator JV Ejercito kasi po talaga naman wala po siya sa listahan," dagdag ng abogado.
Nauna nang pinabulaanan ni Ejercito ang pagkakasangkot sa pang-aabuso ng Priority Development Assistance Fund.
"I do not know Napoles. I appeared in the Senate Blue Ribbon Committee hearing and I was never mentioned ever even by (Benhur) Luy," banggit ng Senador na naging kinatawan muna ng lungsod ng San Juan.
Planong kasuhan ni Ejercito si Napoles dahil sa paninirang puri.