MANILA, Philippines - Sisimulan na ng House Committee on Trade and Industry ang hearing kaugnay sa anti-trust bill na nagÂlalayon malimitahan ang monopolya at hindi patas na kompetisyon ng mga negosyo sa bansa.
Itinakda ni Las Piñas Rep. Mark Villar, chairman ng komite ang hearing sa Miyerkules matapos maghain si Deputy Speaker Sergio Apostol ng sarili nitong bersyon ng Comprehensive anti-trust bill bunsod na rin sa pagposisyon ng bansa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) regional economic integration sa susunod na taon.
Sinabi naman ni Parañaque Rep. Gus Tambunting na ang Pilipinas ang isa sa limang bansa na kabilang sa Asean na walang anti-trust law.
Nauna naman naghain ng kanilang bersyon ng naturang panukalang batas sa Kamara sina House Speaker Feliciano Belmonte Jr., Rep. Rufus Rodriguez at Rep. Marcelino Teodoro samantalang sa Senado ay sina Senators Sergio Osmeña, Teofisto Guingona III, Paolo Benigno Aquino IV, Miriam Santiago at Jinggoy Estrada.
Matapos ang public hearing ay iko-consolidate bilang single measure ang nasabing panukala.
Giit naman ni Tambunting napapanahon na ang comprehensive competition bill ni Apostol para sa nalalapit na economic integration ng mga bansa sa Southeast Asia sa 2015.
Ito ay dahil sa ang bansa ay nararanasan na ang anti-competitive trade practices upang mamonopolya ang isang merkado sa pamamamagitan ng estratehiyang pakikipagsabwatan sa pagitan ng manufacturers, supplier o distributors.