MANILA, Philippines - Patuloy na bumababa ang lebel ng tubig sa Angat Dam na nagsu-suplay ng mahigit sa 90 porsiyento ng tubig sa Metro Manila.
Base sa update ng PAGASA, alas-6 ng umaga kahapon ang lebel ng tubig sa Angat ay 178.28 meters, 0.3 meter ang ibinaba mula sa 178.58 meters na naitala nitong Sabado.
Ang lebel ng tubig sa Angat ay pumalo sa critical level na 180 meters sanhi para putulin ang suplay ng tubig sa mga irigasyon ng mga sakahan sa Pampanga at Bulacan. Ang kritikal na lebel ng tubig para maiinom sa Angat ay 160 meters.
Gayunman, nakapagtala naman ang kagawaran ng bahagyang pagtaas ng tubig sa limang pangunahing dam sa Luzon kahapon.
Ang Ipo Dam (Bulacan), 99.56 meters mula sa 99.45 meters nitong Sabado; Ambuklao (Benguet), 740.34 mula sa 740.12 meters; Binga (Benguet), 567.46 mula sa 566.64; Pantabangan (Nueva Ecija), 182.12 mula sa 182.1; Caliraya (Laguna), 286.26 meters mula sa 286.03.
Sa kabila nito, hindi pa rin anya sapat para humantong sa normal level ang nasabing tubig sa mga dam.
Ang normal na lebel ng tubig sa Ipo ay 100.80 meters, habang 752 meters sa Ambuklao, sa Binga ay 575, sa Pantabangan ay 216 at sa Caliraya ay 288 meters.
Ang lebel ng tubig sa iba pang dam na patuloy na bumababa ay ang La Mesa (Quezon City), San Roque (Pangasinan-Benguet) at Magat (Isabela).