MANILA, Philippines - Hindi makakapasada ang ilang unit ng Raymond bus na nasangkot sa aksidente sa Tiaong Quezon kamakailan na ikinasawi ng dalawang pasahero nito.
Ito ay makaraang suspendehin ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ng 30 -araw ang ilang unit ng bus company bilang panimulang parusa sa kinasangkutang aksidente. Standard operation procedure na isailalim ng LTFRB sa 30 days suspension ang operasyon ng mga bus company kapag nasangkot sa aksidente sa lansangan lalupa’t may namatay.
Ayon kay LTFRB Chairperson Winston Ginez, sakop ng suspension order ang limang unit ng Raymond bus na kabilang sa prangkisa ng unit ng bus company na naaksidente. Ito ay may rutang Camarines Sur sa Bicol papuntang Cubao , Quezon City at vice versa.
Sa aksidenteng ito, nagkasagian ang isang unit ng Raymond bus at isang 10-wheeler truck sa diversion Road sa Barangay Lalig sa Bicol dahilan para mamatay ang dalawang pasahero ng naturang bus at 13 ang sugatan.