MANILA, Philippines - Kinalampag ng Kamara ang Senado para madaliin ang pagpapatibay para sa Voluntary Student Loan Program ngayong napipinto na naman ang pagtataas ng matrikula ng daan-daang eskuwelahan para sa darating na pasukan.
Ayon kay Pasig Rep. Roman Romulo, ang nasabing panukala ay napagtibay na ng Kamara sa ikatlong pagbasa subalit naghihintay para mabigyang pansin ng mga Senador..
Nakasaad sa ilalim ng House Bill 3617, na maaaÂring magpautang ang mga pribadong bangko sa mga estudyante sa kolehiyo at maging sa mga mag-aaral sa Technical Vocational Institutes.
Ang student loan ay mababang interes lamang o hindi lalampas ng dalawang porsiyento subalit maaari namang humirit ng mas mataas na interes ang bangko pero hindi direkta sa estudyante ang tama nito dahil puwede itong bawiin ng bangko sa deduction sa kanilang gross income tax.
Ang student loan ay hindi lamang limitado para sa matrikula kundi maaari din sakupin pati ang ibang pangangailangan ng estudyante tulad ng pamasahe, school supplies, libro at board and lodging.
Paliwanag ni Romulo, mahalagang maisabatas na ito para mas maraming estudyante ang mabigyan ng siguradong oportunidad na makapagtapos ng pag-aaral at mababawasan din ang mabigat na pasanin ng mga magulang.