Palasyo malamig sa pagbuo ng independent body na kakalkal sa PDAF scam

MANILA, Philippines - Malamig ang Malacañang sa pagbuo ng independent body para magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon kaugnay ng P10 bilyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam na ipinapanukala ng ilang legal experts.

Sinabi ni PCOO Sec. Herminio Coloma Jr., sapat ang kapasidad ng Department of Justice at iba pang ahensiya ng gobyerno upang isagawa ang imbestigasyon sa pork barrel scam at hindi na kailangan ang pagbuo ng independent commission para dito gaya ng panukala ni Dean Amado Valdez.

Sa panukala ni Dean Valdez ng University of the East, iminungkahi nitong bumuo ng independent commission at dapat mag-inhibit ang Kamara at Senado sa pagsisiyasat sa pork scam dahil karamihan sa kanilang kasamahan ay sangkot sa nasabing katiwalian.

Iginiit pa ni Sec. Coloma, mananatili ang utos ni Pangulong Benigno Aquino III na sinumang sangkot sa PDAF scam ay bibigyan ng due process at ibabatay ito sa matibay na ebidensiya.

Sinabi ng Pangulong Aquino, hindi niya sisibakin kaagad ang mga miyembro ng kanyang gabinete na nasasangkot sa pork scam puwera na lamang kung suportado ito ng matibay na ebidensiya at hindi basta listahan lamang.

Kabilang sa mga isinasabit sa pork scam ay sina Budget Sec. Florencio Abad, Agriculture Sec. Proceso Alcala at TESDA director-general Joel Villanueva.

 

Show comments