MANILA, Philippines — Ipina-subpoena na ng Senate Blue Ribbon Committee ang listahan ni pork barrel scam whistle-blower Benhur Luy, ayon kay Senate President Franklin Drilon.
Sinabi ni Drilon sa isang pulong balitaan na hiningi na ng Senado ang soft copy ng listahan ni Luy upang maimbestigahan kasunod ng paglabas ng listahan ng itinuturong mastermind na si Janet Lim-Napoles.
"The Blue Ribbon Committee already issued a subpoena duces tecum to produce these digital files," Drilon said.
Ayon sa kautusan ay kailangang maibigay ito ni Luy bago mag Mayo 21.
Hindi naman matiyak ng senador kung natanggap na ng personal ni Luy ang kautusan.
Nitong Lunes ay ipina-subpoena na rin ng kumite ang listahang hawak ni Justice Secretary Leila De Lima, habang noong kamakalawa ay ibinigay na ni dating senador Panfilo Lacson ang kanyang hawak na impormasyon na ipinagkatiwala sa kanya ng asawa ni Napoles.