MANILA, Philippines - Humihirit pa si Justice Secretary Leila de Lima ng extension o karagdagang panahon mula sa Senate Blue Ribbon Committee para sa pagsusumite ng listahan at affidavit ni Janet Lim Napoles.
Dahilan ni de Lima, malabo umanong matapos ngayon ang second affidavit ni Napoles na naglalaman ng higit na kumpleto at detalyadong salaysay laban sa mga sinasangkot sa pork barrel scam.
Sinabi ni de Lima na noong Miyerkules ay nakapagsumite na ng initial affidavit sa DOJ ang kampo ni Napoles ngunit iyon ay limitado pa lamang sa naging transaksyon niya sa mga mambabatas na kasama sa unang batch ng mga inireklamo sa Ombudsman kaugnay sa PDAF scam at Malampaya fund scam.
Nilagdaan na aniya ni Napoles ang initial affidavit ngunit hinihintay pa umano ng DOJ ang ikalawang affidavit na inaasahang maglalantad na sa naging transaksyon ng negosyante sa lahat ng mga mambabatas na inilagay niya sa kanyang listahan.
Umaasa si de Lima na mauunawaan ng komite ang kanilang sitwasyon at papayag na bigyan sila ng dagdag na panahon kahit ilang araw o isang linggo lamang.
Naniniwala aniya siya na bilang pagsasaalang-alang sa diwa ng fair play o pagiging patas, dapat ay sabay niyang maisumite ang listahan at kumpletong affidavit ni Napoles.