MANILA, Philippines — Ginagamit umano ni Justice Secretary Leila de Lima ang imbestigasyon sa pork barrel scam upang pabanguhin ang pangalan para sa 2016 elections, ayon sa salaysay negosyanteng si Janet Lim-Napoles.
Ang planong pagtakbo umano ni De Lima ang isa sa mga nilalaman ng salaysay ni Napoles na ipinagkatiwala kay dating Senador Panfilo Lacson bago ibinigay kahapon sa Senate Blue Ribbon Committee.
Sinabi pa ni Napoles sa affidavit na ang 97 alkalde umano na nakatanggap ng kickback mula sa P900 milyon Malampaya scam ay kinontrata ni De Lima, sa pamamagitan ng abogadong si Levito Baligod, para suportahan ang pagtakbo niya bilang senador kapalit ng hindi pagkakadawit sa mga kakasuhan ng gobyerno.
Kaugnay na balita: Ruby Tuason utak ng Malampaya scam - Napoles
Dagdag niya na limang porsiyento lamang ang nakuha niya sa Malampaya scam, dahil ang 60 porsiyento ay nasa utak nito na si Ruby Tuason, habang ang nalalabing 35 porsiyento ay gagamitin para sa “production†o pagbibigay ng pondo sa mga pekeng benipesyaryo.
"I found out that no one from the 97 mayors was included in the charge sheet by the Department of Justice because Atty. Levito Baligod interviewed each mayor involved and promised their exclusion in the cases provided that they will support the candidacy in Senate of the DOJ Secretary Leila de Lima," sabi ni Napoles.
Si Baligod ang nasibak na abogado ng whistlblower na sina Benhur Luy.
Kaugnay na balita: Listahan ni Lacson sa pork scam ibinigay na sa Senado
Samantala, nauna nang sinabi ng mga whistleblowers na sina Luy at Merlina Suñas na lahat ng kinita sa Malampaya scam ay napunta kay Napoles.
Dagdag nila na pineke ang lagda ng 97 alkalde upang magmukhang humingi sila ng pondo mula sa kinikita ng Malampaya.
"The truth is, according to the whistleblowers, no funds were released to the mayors since the P900 million all went to Napoles," banggit ni De Lima.
Bago operahan si Napoles nitong Abril ay nakipagpulong siya kay De Lima sa Ospital ng Makati upang magbigay ng sinumpaang salaysay.
Naglabas ng subpoena ang Senado nitong kamakalawa para ibigay ni De Lima ang affidavit.