MANILA, Philippines — Limang opisyal ng gobyerno ang kinumpirma ni dating senador Panfilo Lacson na kabilang sa listahan nina Janet Lim-Napoles at whistle-blower Benhur Luy na sangkot sa pork barrel scam.
Sinabi ni Lacson na nasa listahan sina Budget Secretary Florencio Abad at mga Senador na sina Francis Escudero, Miriam Defensor-Santiago, Alan Peter Cayetano at Gringo Honasan.
Itinanggi ni Lacson na nasa listahan sina Senate President Franklin Drilon at Senate Blue Ribbon Committee chair Teofisto Guingona.
Kaugnay na balita: Miriam kay Lacson: bisexual, magpapa-sex change!
Nauna nang kinumpirma ng dating senador na kasama sina Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada and Ramon Revilla Jr.
Kinasuhan na ng Ombudsman sina Enrile, Estrada at Revilla dahil sa umano'y pakikipagsabwatan kay Napoles sa pang-aabuso ng Priority Development Assistance Fund.
Sinabi ni Lacson na mayroon siyang listahan ng mga sangkot sa pork scam na ipinagkatiwala sa kanya ng asawa ni Napoles.
Kaugnay na balita: Umano'y listahan ng mga sangkot sa pork scam kumakalat
Bago pa man kumpirmahin ni Lacson ang mga sangkot ay pinabulaanan na nina Abad at Santiago ang mga paratang.
"The principals in this massive psy-war operation are: Sen. Enrile; his former chief of staff Gigi Reyes; and Enrile’s ally and attack dog Panfilo Lacson," pahayag ni Santiago na naniniwalang pinagtutulungan siya ng mga karibal na sina Enrile at Lacson.
Sinabi naman ni Cayetano na nagtatagumpay na ang mga nanggugulo upang malinis ang mga tunay na sangkot sa kontrobersiya.
"Ito na ang sinasabi ko nung isang araw na habang hindi nilalabas ang affidavit ni Napoles, maraming mga listahan ang maglalabasan, guguluhin ang issue, at yung mga guilty ang makikinabang. Ito na nga ang nangyayari," wika ni Cayetano.
Kahapon ay hiningi ni Guingona kay Justice Secretary Leila De Lima ang listahang ibinigay sa kanya ni Napoles upang iharap sa imbestigasyon ng Senado.