House ‘di na mag-iimbestiga sa pork scam

MANILA, Philippines - Hindi na magsasagawa ng imbestigasyon ang Kamara kaugnay sa pork barrel scam sa kabila ng tambak na resolusyon na inihain ng mga kongresista.

Sa kabila nito nilinaw naman ni Dasmariñas Rep. Elpidio Barzaga na hindi lamang ito kautusan ni House Speaker Feliciano Belmonte kundi desisyon na rin ng mayorya dahil ayaw na rin umano makisawsaw ng Kamara sa isinasagawang imbestigasyon ng Department of Justice, Ombudsman at Senado.

Bukod dito, sa tingin din umano ng mga kongresista ay hindi na magiging credible sakaling mag-imbestiga man ang Kamara sa pork barrel scam dahil base sa mga ulat ay maraming kongresista ang sangkot dito.

Dahil dito kayat na­na­wagan si Barzaga na pagharapin na lamang sa isang pagdinig sina DOJ Sec. Leila de Lima at ang itinuturong utak ng scam na si Janet Lim -Napoles upang sapilitan nitong maibulgar ang laman ng kanyang affidavit na isinumite sa DOJ at makumpirma na rin sa mismong harap ng kalihim kung ito ay tunay o na-sanitize na.

 

Show comments