MANILA, Philippines - Naging mitsa ng kamatayan ng isang 69-anyos na biyuda ang pagtalon nito sa jeepney makaraang mabagok ang ulo sa espalÂtadong kalsada sa Brgy. Bergado, Mutia, Zamboanga del Norte kamakalawa.
Idineklarang dead on arrival ni Dra. Diva Jean Revantad ng La Libertad Health Center sanhi ng head trauma ang biktimang si Erlinda Malmis ng Concepcion, Misamis Occidental.
Sa ulat, sinabi ni Police Regional Office (PRO) 9 spokesman Sr. Inspector Robert Ortega, naganap ang insidente sa highway ng Brgy. Bergado, Mutia, Zamboanga del Norte dakong alas- 7:50 ng umaga.
Base sa imbestigasÂyon, ang matanda ay kabilang sa mga lulan ng isang pampasaherong jeepney (JVL 472 ) na bumabagtas sa matarik na bahagi ng nasabing highway.
Gayunman, habang pababa sa matarik na highway ang nasabing jeepney ay sinabi ng driver na nagÂloloko ang makina ng behikulo.
Sa matinding pagpapanik ay biglang tumalon ang nasabing lola sa kanang bintana ng nasaÂbing behikulo bunsod upang tumama ang ulo nito sa kalsada.
Agad isinugod ang matanda sa pagamutan pero binawian ito ng buhay habang nilalapatan ng lunas. Samantalang sa kabila ng nagloko ang makina ng behikulo ay wala namang nangyaring masama sa iba pa nitong pasahero.
Isinailalim na sa kustodya ng pulisya ang driver at iniimpound rin ang behikulo nito kaugnay ng kasong kriminal sa pagkamatay ng matanda.