MANILA, Philippines - Nagkaroon ng bahagÂyang tensyon sa West Philippine Sea matapos masabat ng pulisya ang isang Chinese fishing boat na may 11 Chinese crew sa isang bahagi ng pinag-aagawang Spratly Group of Islands noong Martes.
Base sa report, naharang ng mga operatiba ng Philippine Maritime Police patrol ang isang Chinese fishing vessel dakong alas-7 ng umaga noong Martes sa Half Moon Shoal.
Ang nasabing bangkang pangisda ay may 11 Chinese crew at nadiskubre na may karga silang 500 pagong na ilan ay patay na at hinihinalang nakuha sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Taliwas naman ito sa ulat na may 11 Chinese fishermen ang dinukot umano ng mga armadong kalalakihan sa nasabing shoal.
Dalawa umano ang nasabing Chinese vessel na ilegal na nangingisda sa lugar subalit nakatakas ang isa.
May isa ring bangkang pangisda ng mga mangingisdang Pinoy ang kinumpiska matapos matagpuan ang 40 pagong sa kanilang bangka.
Hinila na kahapon ng maritime police ang mga bangkang pangisda patungong Puerto PrinÂcesa, Palawan habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa mga nahuling mangingisda.
Ang Half Moon Shoal ay sakop sa 200 nautical miles exclusive economic zone ng Pilipinas na kalapit ng Second Thomas Shoal na binabantayan ng mga sundalong Pinoy kung saan inaangkin naman ng China.