Media killing: Brodkaster inutas, kinondena ng Malacañang

MANILA, Philippines - Kinondena ng Malacañang ang panibagong insidente ng  media killing, kung saan ay isang brodkaster/station manager ng isang himpilan ng radyo sa Tawi-Tawi ang panibagong biktima.

Sinabi ni PCOO Sec. Herminio Coloma Jr., ka­agad inatasan ni Pangulong Benigno Aquino III ang Philippine National Police (PNP) na imbestigahan at resolbahin ang ginawang pagpaslang kay Richard Najib, 35, station manager ng DXMN-FM kamakalawa ng gabi sa Tawi-Tawi.

Si Najib ay kilala rin bilang si “DJ Troy” ay  na­ging  reporter rin ng DXGD sa Jolo, Sulu bago ito lumipat sa DXNN Power Mix FM sa Tawi-Tawi.

“Kinokondena ng Ma­lacañang ang pagpaslang kay Mr. Najib. Inatasan na ang PNP na dakpin at panagutin ang may kinalaman sa krimen,” wika pa ni Sec. Coloma.

Sinabi naman ni National Press Club president Joel Egco na isang kahihiyan kay Pangulong Aquino ang patuloy na media killings kung saan ang pinakahuli ay ang pagpaslang kay Mr. Najib sa Bongao, Tawi-Tawi.

Ayon kay Egco, ipinagyabang pa naman ni Pangulong Aquino sa joint press conference nito kamakailan kasama si US President Barack Obama na ginagawa ng gobyerno ang lahat upang resolbahin ang media kil­lings at protektahan ang mamamahayag.

“The killing of Richard Najib, station manager of DXMN-FM in Tawi-Tawi is a humiliating sequel to President Benigno Aquino 3rd’s pathetic gaffe when he attempted to address the issue of media killings before local and international media recently,” giit pa ni Egco.

Sa ulat ni Tawi-Tawi Police Director P/Sr. Supt. Joselito Salido, naganap ang pananambang sa biktima habang sakay ito ng motorbike pauwi na ito galing sa paglalaro ng basketball game sa Brgy. Tubig Boh, Bongao dakong alas-7:30 ng gabi noong Linggo ( Mayo  4).

Nagresponde naman sa lugar ang mga elemento ng pulisya pero binawian na ng buhay ang biktima  habang isinusugod sa pagamutan dahil sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan.

Sa tala naman ng National Union of Journalists, si Najib ang ika-27 mamamahayag na pinaslang sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Show comments