MANILA, Philippines - Mababa pa rin ang naitalang on-the-spot hiring sa katatapos na jobs fair para sa Labor Day celebration kahapon.
Ayon kay Labor Sec. Rosalinda Baldoz, umaabot lamang sa 6,000 ang natanggap agad sa iba’t ibang trabaho mula sa nasa 80,000 inihaing vacancy.
Nasa 40,000 naman ang pinababalik ng mga kumpanya para sa dagdag na interview at iba pang requirements.
Ang nasabing bilang ay hindi pa tiyak kung matatanggap sa hangad na mga trabaho dahil sa sari-saring rason.
Karaniwang problema pa rin sa nakaraang jobs fair ang mismatch ng job hunters sa mga bakanteng posisyon.
Naniniwala si Baldoz na kailangan pang palakasin ang skills training para sa local at overseas workers.