MANILA, Philippines - Isinusulong ni Quezon City councilor Precious Hipolito Castelo na maisama ang subject sa pag-aaral ng salitang French, Italian, Mandarin at iba pang banyagang lengguwahe sa curricula ng K-12 upang maging mas maabilidad ang mga estudyanteng Pilipino sa oras na sila ay magtapos at mangibang bansa para maghanap ng trabaho.
Inihain kamakailan ni Precious ang resolusÂyon sa konseho na nag-uudyok sa Department of Education (DepEd) upang gawing bahagi ng K-12 curricula ang subject na Foreign Languages upang maituro ito sa mga estudyante ng pribado at pampublikong paaralan.
Bilang ehemplo aniya, ginagamit ang salitang Spanish ng mahigit 450 milyong katao sa 22 bansa samantalang ang Mandarin naman ay ginagamit ng mahigit isang bilyong katao sa buong mundo.
Ayon kay Precious, malaking merkado para sa serbisyo, kakayahan at talent ng mga Pilipino ang mga bansa na nagsaÂsalita ng Spanish, French, Italian at Mandarin tulad ng Japan, Taiwan, SingaÂpore at Malaysia na nangangailangan ng mga banyagang manggagawa.
Bukod sa Spanish at Mandarin, ilan pa sa mga madalas gamitin na banyagang salita na makakatulong sa trabaho at negosyo ng mga Pilipino ay ang mga salitang Korean at Japanese.
Samantala, ibinunyag ni Precious na umabot na sa 2,082,223 ang bilang ng mga OFW para sa 2012 kabilang na rito ang mga new-hires, re-hires a sea-based workers.
Dahil dito, pang-apat ang Pilipinas sa may pinakamalaking remittances na tinatanggap matapos ang China, India at Mexico.