Manila Water nakapagtala ng 3M ‘safe man-hours’
MANILA, Philippines - Nagkamit kamakailan ang Manila Water ng pambihirang tagumpay sa larangan ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagtatala ng tatlong milyong ‘safe man-hours’ ng Marikina North Sewage Treatment Plant na kasalukuyang itinatatag at tinatayang makukumpleto sa taong ito.
Sa pamamagitan nito, ang Marikina North STP na ang may pinakamataas na naitalang ‘safe man-hours’ sa lahat ng naging proyekto ng Manila Water simula nang magserbisyo ito sa silangang bahagi ng Metro Manila noong 1997.
Ani Thomas Mattison, Director ng Project Delivery Group ng Manila Water, ito ay matatag na patunay ng mahigpit na pagsasapatupad ng mga pamantayan sa kaligtasan sa lahat ng proyekto at operasyon ng Manila Water.
Ang Marikina North Sewage Treatment Plant, na tinatayang nagkakahalaga ng 3-bilyong piso, ay mataÂtagpuan sa Balubad Resettlement Site sa Barangay Nangka. Ang planta ay may kakayanang makapaglinis ng hanggang 100-milyong litrong nagamit nang tubig sa loob ng isang araw.
Dinisenyo ang STP upang makapaglinis ng gamit nang tubig mula sa ‘sewage pipes’ at ‘drainage pipes’ gamit ang teknolohiya ng Sequencing Batch Reactor (SBR) kung saan makikinabang ang higit sa kalahaÂting milyong kustomer ng Manila Water sa Marikina, San Mateo at iba pang munisipalidad sa lalawigan ng Rizal. Kasalukuyan na ring nilalatag ang mga tubong magdadala ng nagamit na tubig mula sa mga bahay at establisimyento ng mga kustomers patungo sa planta.
Sa ngayon, ang Manila Water ay mayroong 37 sewage treatment plant at dalawang septage treatment plant na naglilinis ng nagamit na tubig ng hanggang 500 milyong litro kada araw.
- Latest