MANILA, Philippines - Sa gitna ng hinihiling na dagdag na sahod ng mga ordinarÂyong manggagawa, isinusulong sa Senado ang panukalang batas na naglalayong itaas sa P1 milyon ang suweldo ng presidente ng bansa upang maiwasan ang korapsiyon.
Ang panukala ay nakapaloob sa Senate Bill 1689 o Salary Standardization Law 4 ni Senator Antonio Trillanes.
Sa kasalukuyan, umaabot lamang sa P120,000 kada buwan ang sahod ng prangulo ng bansa.
Nakapaloob din sa panukala ang pagtaas ng buwanang sahod ng mga cabinet secretaries na aabot sa P600,000 hanggang P800,000.
Naniniwala si Trillanes na mas mahihikayat ang mga magagaling at matatalinong mamamayan na magtrabaho sa gobyerno kung itataas ang sahod ng mga ito.
Mababawasan rin aniya ang korapsiyon sa gobyerno kung itataas ang sahod ng mga opisyal at maging ang mga empleyado kabilang na ang military at mga uniformed personnel.
Nakapaloob din sa panukala na ang base pay ng pinakamababang posisyon sa gobyerno ay gawing P16,000 mula sa kasalukuyang P9,000.
Ang base pay naman ng militar at mga uniformed personnel ay nais ring itaas mula P23,00 para sa may pinakamababang posisyon hanggang P282,800 para sa mga four-star generals.