MANILA, Philippines - Inilunsad kahapon ng Korte Suprema, Justice Department at Local Government Department ang e-subpoena system na idinisenyo para mapabilis ang pag-usad ng mga kaso.
Ang e-subpoena system, ayon kay DILG Secretary Mar Roxas ay naglalayong palakasin pa ang sistema ng hustisya ng pamahalaan kung saan ang bawat subpoena na inisyu ng korte ay dapat makarating kaagad sa imbestigador na humahawak sa kaso.
Sa ilalim ng bagong sistema, isi-synchronize ng judiciary at law enforcement agencies ang kani-kanilang systems para online na lamang ipadadala ang mga subpoena sa mga kaso.
Layon nitong mapabilis ang trial procedure at mapataas rin ang conviction rate sa bansa.
Lubha umanong mabagal ang paghahatid ng subpoena ng mga pulis dahil natatagalan rin naman bago nila ito natatanggap habang ang iba naman ay nalilipat na ng destino.
Sinabi ni Roxas na kung sa postal service o hand-carry mails ay 10-15 araw bago makarating ang subpoena samantalang sa pamamagitan ng e-mail ay higit na mabilis at sa isang click lang ng ‘mouse’ ay matatanggap na ito.