MANILA, Philippines - Panibagong pagtataas sa singil sa kuryente ang ipatutupad ng Manila Electric Company (Meralco) ngayong Mayo.
Ito’y bunsod umano ng mas mataas na generation charge dahil sa pagtaas ng demand sa kuryente at maintenance shutdown ng ilang power plants ngayong summer.
Ayon kay Energy Regulatory Commission (ERC) exeÂcutive director Francis Juan, ang power rate hike ay mas mababa sa P1 per kilowatt hour (kWh), na mas mababa sa unang pagtaya na P1.70 per kWh, dahil hindi naman bumili ang Meralco ng kuryente mula sa spot market.
Kinumpirma naman ng Meralco ang pagtaas ng singil sa kuryente dahil sa malakas na konsumo ngayong matindi ang init ng panahon.
Ayon kay Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga, wala pang eksaktong halaga ang taas-singil ngunit tiniyak na hindi ito hihigit ng P1 kada kWh.
Nitong Abril, una nang ipinatupad ang P0.89/kWh na dagdag-singil.
Sa kabilang dako, para naman maiwasan ang pagsipa ng singil sa kuryente, balak na ng ERC na manduhan ang Meralco at ibang kooperatiba na mag-abiso muna sa kanila apat na araw bago ilabas ang bill na may dagdag-singil, imbes na gawing awtomatiko ang taas-presyo.
Pero ayaw pang sabihin ng ERC kung gaano kalaking dagdag-singil ang pwede nilang harangin bilang proteksyon sa publiko.