MANILA, Philippines - Nagbitiw sa puwesto si National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Eduardo del Rosario.
Ito’y sa gitna na rin ng hindi pa natutuldukang kontrobersya sa umano’y libo pang biktima ng bagyong Yolanda na nanalasa noong Nobyembre 2013 kung saan mahigit lamang sa 6,300 ang ibinigay na opisyal na tala ng NDRRMC.
Kinumpirma ni NDRRMC spokesman Major Reynaldo Balido na ang ‘resignation letter’ ni del Rosario ay isinumite nito sa tanggapan ni Defense Secretary Voltaire Gazmin noon pang Abril 24, 2014.
Sinabi naman ng source mula sa Defense na hindi direktang maisisi kay del Rosario ang hindi na nabilang na mga bangkay ng mga nasawi sa bagyong Yolanda dahil mismong ang pamahalaan ay ayaw ng ilantad pa ito sa publiko matapos na sumablay sa ‘zero casualties’.
Habang nasa puwesto si del Rosario ay ilang opisyal ng gabinete ang pumapel sa NDRRMC at itinalaga pa ni PNoy bilang rehab czar si dating senador Panfilo Lacson.
Sabi naman ni Balido, ang pagbibitiw ni del Rosario ay sanhi ng problema nito sa kalusugan pero hindi naman idinetalye ang karamdaman ng opisyal.
Hindi pa inaaksyunan ni Gazmin ang ‘resignation letter’ ni del Rosario dahil sa pagiging abala ng kalihim sa iba’t ibang aktibidades sa 2 day state visit ni US Pres. Obama sa bansa.