EDCA magpapalakas sa partnership ng US at PH

MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ng Malacañang na ang nilagdaang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos ay lalong magpapalakas sa strategic partnership ng dalawang bansa.

Sinabi ni PCOO Sec. Herminio Coloma Jr., ang kasunduang ito na nilagdaan kahapon nina Defense Sec. Voltaire Gazmin at US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg sa Camp Aguinaldo ay magbubukas ng oportunidad para sa development ng ‘self-defense capabilities’ ng Pilipinas gayundin ang pagpapatatag sa maritime security.

Nilagdaan ang defense pact ilang oras bago duma­ting sa bansa si US President Barack Obama para sa kanyang 2-day state visit sa Pilipinas.

Ang nasabing kasunduan sa loob ng 10 taon ay para sa pagpayag sa additional rotational forces ng Estados Unidos sa Pilipinas subalit malinaw na hindi sila pupuwedeng magtayo ng base militar sa bansa pero puwedeng gamitin ang mga AFP facilities.

Nilinaw ng gobyerno na walang nilalabag ito sa Kons­titusyon at hindi na kailangan ang pagpayag ng Senado dahil nakapaloob naman ito sa Mutual Defense Treaty ng US at Pilipinas.

Tiniyak ng Malacañang na naisaalang-alang ang pambansang interes ng Pilipinas sa nilagdaang EDCA.

Ani Coloma, masusing pinabatantayan ng Pangulong Benigno Aquino III sa Philippine panel ang bawat probisyong binuo.

Ayon naman sa US envoy, layunin lamang ng EDCA na mapalakas pa ang alyansa ng dalawang magkaal­yadong bansa.

Nagbanta naman ang mga militanteng mambabatas na haharangin sa Korte Suprema at internationl court ang EDCA.

Plano nina Bayan Muna Reps. Neri Colmenares at Carlos Isagani Zarate na kukunin nila ang suporta ng mga international lawyers para maisulong ang reklamo sa ‘crime against humanity’ laban kay Pangulong Aquino at sa Estados Unidos. 

Hinikayat naman ni Eastern Samar Rep.Ben Evardone and Malakanyang na ilantad sa kongreso ang nilalaman ng nilagdaang EDCA.

Ayon kay Evardone, kailangan masiguro na tunay na makikinabang sa naturang kasunduan ang Pilipinas at walang lalabaging batas sa bansa para na rin sa ngalan ng transparency.

 

Show comments