MANILA, Philippines — Sinalubong ni Pangulong Benigno Aquino III si United States President Barack Obama sa Malacañang ngayong Lunes ng hapon.
Bukod kay Aquino, kabilang din sa tradisyonal na pagsalubong ang mga gabinete ni Aquino at ang mga empleyado ng Palasyo nang dumating si Obama bandang alas-2 ng hapon.
Bago tumuloy sa expanded bilateral meeting ay lumagda muna ang US President sa official guestbook ng Palasyo.
Kabilang sa mga pag-uusapan ng dalawang Pangulo ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas at ang kalalagda lamang na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) .
Kaugnay na balita: EDCA: Mas maraming US forces sa susunod na 10 taon
Matapos ang pagpupulong sa Aguinaldo State Dining Room ay inaasahang magbibigay ng pahayag sina Obama at Aquino.
Magtatagal si Obama sa Pilipinas hanggang bukas kung saan daraan din siya sa US military cemetery sa Fort Bonitacio.
Dumating pasado ala-1 ng hapon si Obama lulan ng Air Force One na lumapag sa runway ng Ninoy Aquino International Aiport bago lumipat sa helicopter na Marine One.
Kaugnay na balita: NAIA isasara ng 2 oras para kay Obama
Ang Pilipinas ang huling bansang pinuntahan ni Obama matapos magtungo sa South Korea at Japan.