PNP at NBI agents pinag-iingat sa suspek

MANILA, Philippines - Pinapayuhang mag-ingat ang mga ahente ng Philippine National Police at National Bureau of Investigation na tumutugis sa isang 44-anyos na suspek sa pagpatay sa kanyang negosyanteng ama dahil ikinukonsidera umano itong armado at mapanganib.

“Armado at mapanganib siya kaya dapat mag-ingat ang law enforcement agents sa pagtugis sa kanya,” sabi ni Senior Superintendent Albert Ferro, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng PNP Criminal Investigation and Detection Group.

Tinutukoy  ni Ferro ang suspek na si Nelson Bermejo Antonio na umano’y bumaril at nakapatay sa kanyang amang si Antonio Pabalan Antonio, alyas ‘Apa,’ sa loob mismo ng kanilang tahanan sa Las Piñas City noong Setyembre 11, 2013.

Inatasan na ang mga miyembro ng PNP-CIDG at ng PNP Task Force Tugis para tugisin ang suspek, kasunod ng apela ng kanyang sariling pamilya na tulungan silang mabigyan ng katarungan ang ginawa nitong pagpatay sa kanyang sariling ama.

Nag-alok na rin ang mga kaibigan at mga tagasuporta ng pinaslang na negosyante ng P300,000 cash reward para sa anumang impormasyon na makapagtuturo sa kinaroroonan ng batang Antonio na ipinaaaresto nang walang piyansa ni Paranaque City Regional Trial Court Branch 257 Judge Rolando G. How.

 

Show comments