MANILA, Philippines - Hindi na pinaabot pa ng Mayo 1 o Labor Day ang pag-aanunsiyo ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz sa ipatutupad na umento sa sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa Region 4-A o CALABARZON.
Ayon kay Sec. Baldoz, P12 ang inaprubahang umento ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa Region 4-A para sa mga manggagawa na tumatanggap ng hindi bababa sa P267 kada araw na kita.
Para sa mga sumasahod ng mahigit P267 hanggang P349.50, sila ay tatanggap ng P13 na socioeconomic allowance o SEA kada araw.
Walang exemption o obligado ang lahat ng mga employer sa Region 4-A na sumunod sa nasabing wage order.
Pero paglilinaw ng DOLE, ang kakarampot, katiting at maliit na P12 na basic pay increase ay hahati-hatiin nang bigay hanggang Disyembre 2016. Ibig sabihin, para sa unang taon, maaring ang unang bigay ay apat hanggang P6 na umento kada araw.
Magkakabisa naman agad ang P13 na socioeconomic allowance sa oras na magkabisa na ang wage order.
Pero iiral umano sa pagkakaloob ng SEA ang “no-work, no-SEA†policy, ibig sabihin kinakailangang pumasok sa trabaho ang manggagawa para mabigyan ng nasabing allowance.