MANILA, Philippines - Naglabas ng hold departure order (HDO) ang Sandiganbayan Third Division laban kina dating Chief Justice Renato Corona at dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson.
Kaugnay ito ng kinakaharap na kasong perjury ni Corona hinggil sa maling Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at paglabag sa Republic Act (RA) No. 6713 o Code of Conduct for Public Officials and Employees.
Ipinalabas din ang HDO ng Third Division kay Singson dahil naman sa kinasasangkutan nitong kasong paglabag sa RA No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil sa maanomalyang paggamit ng nasa P26 milyong share ng tobacco tax sa kanilang lalawigan noon pang 2001.
Bunga nito, inatasan ng Sandiganbayan ang Bureau of Immigration (BI) na pigilin ang dalawa na makalabas ng bansa dulot ng naturang mga kaso.
Ayon kay Executive Clerk of Court Atty. Dennis Pulma, normal na maglabas ng HDO ang graft court para masigurong hindi basta-basta makalalabas ng bansa ang mga akusado nang walang kaukulang travel permit.