MANILA, Philippines - Inatasan ni Navotas Mayor John Rey Tiangco ang mga opisyales ng kanilang mga barangay na magsumite sa pulisya ng updated list ng mga most wanted na kriminal sa kani-kanilang lugar.
Iniutos ito ni Tiangco upang mas mapaigting pa ang kampanya laban sa mga kriminal sa lungsod at madakip ang mga tulisan na matagal nang nagtatago sa batas.
Nananawagan din ang alkalde sa mga residente na patuloy na tangkilikin ang programa nilang TXT JRT Program para maging sumbungan sa mga nagaganap na krimen at pinaghihinalaang kriminal sa kanilang lugar.
Maaari umanong ipadala ang anumang sumbong o suhestiyon sa TXT JRT at ipadala sa cellular nos. 09228888578 o 0908868578. Bukod sa pagsusumbong sa krimen, maaari ring itanong ang daloy ng trapiko sa partikular na lugar sa lungsod.
Sinabi ni Tiangco na kailangang maipagpatuloy ang natanggap na karangalan ng Navotas-Anti Drug Abuse Council (NADAC) nang parangalan ng PNP bilang nangunang lungsod sa paglaban sa iligal na droga sa taong 2013. Sa datos, umabot sa 163 drug suspects ang nadakip ng pulisya sa naturang taon.