NAIA Terminal 1, luluwag na - DOTC

MANILA, Philippines - Inaasahang tuluyan ng luluwag sa Terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa buwan ng Agosto, sa sandaling mailipat ang operasyon ng limang airlines sa NAIA Terminal 3.

Ito ay ayon sa Department of Transportation and Communication (DOTC).

Inaasahan ring mababawasan na ang init sa Terminal 1 sa sandaling mai-deliver na sa Agosto ang apat na bagong unit ng air chillers bilang karagdagan sa dati nang tatlong unit nito na gumagana.

Ayon kay DOTC spokesperson Atty. Michael Arthur Sagcal, sa kanilang pagtaya ay made-decongest ang Terminal 1 ng hanggang 3.5 milyong pasahero kada taon.

Sa ngayon ay umaabot sa walong milyong pasahero ang nagtutungo sa Terminal 1 na  halos doble sa 4.5 milyong kapasidad nito.

Matagal nang inirereklamo ng mga pasahero ang congestion, mga pangit at maruming pasilidad at mahabang pila sa Terminal 1. Inirereklamo rin ang hindi gumaganang air-condition units sa lobby ng nasabing paliparan.

Humingi na ng paumanhin ni Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya sa publiko dahil sa mainit na temperature sa NAIA Terminal 1 at nilinaw na gumagana ang kanilang air-conditioning system ngunit apektado lamang ito ng mga rehabilitation works sa paliparan.

 

Show comments