MANILA, Philippines - Nakalabas na ng bansa ang isa sa mga akusado sa pambubugbog sa actor/TV host si Vhong Navarro.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, nagkaroon ng kalituhan sa pangalan ng akusado na si Jose Paolo Calma na nasa Lookout Bulletin Order habang nakatala sa database ng Bureau of Immigration ay John Paul Calma.
Noon pang Abril 10 nakaalis ng bansa si Jose Paolo Calma, tatlong araw bago lumabas ang warrant of arrest laban sa kanya.
‘’Iba-iba rin kasi ang naging pangalan niyan eh. Sa caption ng kaso, iba ang nakalagay. Sa text ng resolution, iba ang nakalagay. Sa dispositive portion, I would not know kung ano ang nakalagay. I think iyung passport niya is Jose Paolo Calma,†ani de Lima.
Dahil dito, makikipagpulong ang kalihim sa BI upang malaman ang destinasyon ni Calma na sinasabing nagtungo ng Singapore.
Matatandaan na inilabas ang arrest warrants kina Calma, Cedric Lee, Deniece Cornejo, Bernice Lee, Jed Fernandez, Simeon Raz Jr. at Ferdinand Guerrero sa kasong grave coercion noong Abril 14.
Sina Cornejo, Fernandez at Bernice Lee lamang ang nakapagpiyansa sa nasabing kaso.
Kamakalawa ay muling naglabas ng warrant of arrest si Taguig RTC Judge Paz Esperanza Cortes laban kina Cornejo, Cedric Lee, Fernandez, Raz at Guerrero sa kaso namang serious illegal detention. Hindi kasama sa nasabing kaso sina Calma at Bernice.