Taas singil sa kuryente ‘di agad maipapatupad - ERC

MANILA, Philippines - Nilinaw ng Energy Regulatory Commission (ERC) na hindi agad makapagpapataw ng dagdag na generation charge ang Manila Electric Company (MERALCO) kahit pa tuluyan nang magtapos ngayong Martes ang Temporary Restraining Order (TRO) na ibinaba ng Korte Suprema.

Paliwanag ni ERC Executive Director Atty. Francis Juan, hindi kaagad maipatutupad ng MERALCO ang nakabinbing umento sa generation charge dahil kaila­ngan pa nitong hintayin ang recalculation ng Philippine Electricity Market Corporation (PEMC) sa halagang kailangan nilang bayaran sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) noong Nobyembre.

Ang naturang kalkulasyon aniya ang siyang magiging basehan sa pag-compute ng MERALCO sa December generation charge nito.

Sa pagtaya ni Juan, matatapyasan pa ang taas-singil sa generation charge ng mahigit 70% kumpara sa halagang pinigil ng korte.

Hindi pa naman tiyak kung hindi na nga palalawigin pa ng SC ang mapapasong TRO ngunit sinabi ni Juan na sakaling hindi na nga ito palawigin pa ay aatasan nila kaagad ang PEMC na gawin sa lalong madaling panahon ang recalculation upang matukoy ang dapat bayaran sa MERALCO.

 

Show comments