MANILA, Philippines - Pinakilos na rin kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Alan Purisima ang lahat ng mga Regional Directors upang mapigilan ang posibleng pagkalat ng nakamamatay na Middle East Respiratory Syndrome (MERS) corona virus sa bansa.
Ayon kay Sr. Supt. Wilben Mayor, Spokesman ni Purisima, nag-isyu na ang pamunuan ng PNP ng memorandum sa mga opisyal nito sa lahat ng Regional Office upang makipag-ugnayan sa Department of Health (DOH) hinggil sa nasabing nakakahawang karamdaman.
Ito’y kasunod ng direktiba ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III na tumulong sa DOH Task Force MERCOV sa paghahanap sa posibleng kaso ng MERS corona virus.
Partikular na pinatututukan ang mga pasaherong lulan ng eroplanong galing Middle East.
Sa tala ng DOH, nasa 72 na ang sumasailalim sa medical examination sa MERS corona virus at 40 dito ang nag-negatibo na.
Kabilang sa pinamomonitor ay ang pasaherong naging lulan ng Etihad Airlines noong Abril 15 kung saan ilang mga Pinoy ang kabilang dito at inalam na rin ang tirahan ng mga ito kaugnay ng posibilidad na nahawa ang mga ito ng nasabing karamdaman.
Binigyang diin ni Mayor sa oras na may manonitor ang PNP na posibleng nagtataglay ng naturang karamdaman ay dapat ipagbigay alam agad sa DOH at ng hindi na kumalat pa ang peligrosong sakit.
Maari ring tumulong ang PNP para madala sa pagamutan ang mga hinihinalang tinamaan ng MERS corona virus pero dapat sundin ang kaukulang pag-iingat para hindi mahawa.