MANILA, Philippines - Dalawang Overseas Filipino Workers (OFW) na kakauwi lamang sa bansa mula Gitnang Silangan ang pinigil ng mga tauhan ng Bureau of Quarantine sa paliparan matapos na makitaan ng sintomas ng nakamamatay na Middle East Respiratory Syndrome-Coronavirus (MERS-CoV) kahapon.
Naunang dumating ang 32-anyos na babaeng OFW sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Centennial Terminal 2 dakong alas-10:00 ng umaga lulan ng Philippine Airlines flight PR-655 mula Riyadh, Saudi Arabia at agad na dinala sa Bureau of Quarantine.
Nabatid na mataas ang lagnat ng nasabing Pinay na hindi pinaÂngalanan nang dumating sa paliparan at matapos makitaan ng sintomas ay agad na dinala sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Muntinlupa City upang ilagay sa isolation area para sa obserbasyon at ipasailalim sa mga pagsusuri.
Isa pang OFW na dumating kahapon ng hapon sa NAIA terminal 1 lulan ng Etihad Airlines mula Abu Dhabi, United Arab Emirates (UAE) ang pinigil ng Bureau of Quarantine matapos na makitaan ng sintomas ng nasabing sakit.
Ang Saudi Arabia at UAE ay kabilang sa mga bansa sa Middle East na may mataas na kaso ng MERS-CoV.
Bunsod sa magkasunod na ulat na pagdating ng mga OFWs na hinihinalang nahawaan ng MERS-CoV, nagsuot na ng mga protective gear tulad ng face masks ang mga immigration at Bureau of Quarantine officers sa NAIA upang makaiwas sa naturang virus.