MANILA, Philippines - Pinaaaresto na ng Taguig City Regional Trial Court (RTC) sina Cedric Lee, Deniece Cornejo at mga kasama nila na nahaharap sa kasong serious illegal detention dahil sa ginawang pambubugbog sa actor at TV host na si Vhong Navarro noong Enero 22, sa The Fort, Taguig City.
Nabatid kay Southern Police District (SPD) director, Chief Supt. Jose Erwin Villacorte, kahapon ng tanghali ay natanggap nila ang warrant of arrest laban sa grupo nina Cedric at Cornejo na ipinalabas ni Taguig City RTC, Branch 271 Judge Paz Esperanza Cortez.
Bukod kay Lee at Cornejo, kasamang ipinaaaresto ng korte sina Jed Fernandez, Simeon Raz at Ferdinand Guerrero.
Hindi naman masabi ni Villacorte kung bakit hindi kasama sa nilabasan ng warrant of arrest sina Bernice Lee at Jose Paolo Calma, na unang nakabilang sa mga ipinaaaresto sa kasong serious illegal detention na isinampa sa kanila ni Navaro.
Samantala, isa sa mga akusado ang kinumpirma ni Justice Secretary Laila de Lima na planado talaga ang ginawang pambubogbog kay Navarro. Ang hindi pa pinangalanang akusado ay isasailalim sa Witness Protection Program ng DOJ.