MANILA, Philippines - Nakatakdang mag-ikot sa iba't ibang terminal si Pangulong Benigno Aquino III ngayong Miyerkules upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasaherong pauwi sa mga probinsiya ngayong Semana Santa.
Kasama ng Pangulo si Department of Transportation and Communications Secretary Joseph Abaya para sa "Oplan Ligtas Biyahe: Kwaresma 2014."
Iinspeksyunin nina Aquino at Abaya ang mga paliparan, pantalan at mga bus station kung saan inaasahan ang pagdagsa ng publiko.
"The DOTC has instructed all transport agencies to take necessary measures to ensure security at our terminals and stations, quick response capability in cases of emergencies, and enhanced facilities and services to meet the needs of our travellers during this peak season," wika ni Abaya.
Tatakbo ang naturang programa ng DOTC hanggang Abril 20 na magsisiguro sa kaligtasan ng publiko.
Pinaigting na ang seguridad sa iba't ibang terminal kung saan nagdagdag ng tauhan ang bawat ahensya ng gobyerno at naglagay ng mga public assistance desk na tutugon sa mga problema ng mga pasahero.