MANILA, Philippines - Hiniling ni Basilan Bishop Martin Jumoad sa mga kapanalig na rebelde at tropa ng pamahalaan na magkaroon ng ceasfire kaugnay sa pagdiriwang ngayon ng Lenten Season ng mananampalatayang Kristiyano.
Ayon sa Obispo, ang Semana Santa ay isang sagradong pagdiriwang ng Simbahang Katolika na dapat igalang ng magkabilang panig at iwasan ang pagdanak ng dugo.
Nananawagan din ang Obispo sa mga kapanalig na Muslim na bigyang respeto ang pagdiriwang tulad na rin ng paggalang na inilalalaan ng mga Kristiyano sa kanilang Ramadan.
Binanggit din ng Obispo na matiwasay nilang nairaos ang Palm Sunday mass sa mga parokya na dinaluhan ng napakaraming mananampalataya.
Noong Biyernes, nagkasagupa ang mga grupo ng Abu Sayyaf at mga sundalo sa Tipo-Tipo Basilan na dahilan ng pagkamatay ng 12 katao at pagkasugat ng higit sa 20 mga sundalo.
Inihayag ni Bishop Jumoad na hindi dapat maging hadlang ang mga nagaganap na kaguluhan sa paligid sa ating panaÂnampalataya sa Panginoon sa halip ay kailangang manaig ang pagtitiwala sa Panginoon bilang pananggalang at kaligtasan.