BFP, umapela ng iwas sunog ngayong Semana Santa

MANILA, Philippines - Umapela ang pamunuan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa publiko na doblehin ang pag-iingat sa sandaling iwan ang kani-kanilang tahanan para magbakasyon ngayong Semana Santa, upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng kanilang mga kagamitan at tahanan laban sa sunog lalo ngayong mainit ang panahon.

Ayon kay Chief Supt. Santiago Laguna, BFP-NCR Regional Director,  kailangang maging bukas ang isipan ng publiko hingil sa fire safety, lalo na ang mga residenteng pansamantalang iiwan ang kanilang tahanan para magbakasyon sa kanilang probinsya para magtika ngayong Semana Santa.

Giit ng opisyal, pangunahing dapat tandaan ng publiko sa tuwing aalis ng bahay ay ang pag-unplug ng lahat ng kanilang electronic devices at appliances; patayin ang main electrical switch ng bahay; tiyaking isasara ng mabuti ang valve ng LPG;  itapon ang mga materyales na maaring masunog tulad ng basura o kemikal na hindi na ginagamit; makiusap din sa pinagkakatiwalaang kapitbahay o kaanak na tignan ang inyong bahay; alamin ang contact number nila para ma-tsek ang kondisyon ng inyong bahay kada oras  at iwan din ang inyong contact number para sa emergency purposes.

 

Show comments